Humigit kumulang 300 lugar ang posibleng ideklarang hotspots sa isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar na kinabibilangan ito ng mga lugar kung saan mayroong presensya ng mga rebeldeng komunista at aktibo ang guerilla fronts, gaya sa Samar.
Idinagdag ni Aguilar na mayroon pang natitirang 22 guerilla fronts at dalawa na lamang ang nananatiling aktibo.
Samantala, inihayag din ng opisyal na wala pa silang na-monitor na anumang grupo ng mga dating sundalo na ginagamit para sa mga iligal na aktibidad kaugnay ng halalan.
Gayunman, tiniyak ni Aguilar na pinaigting ng AFP ang kanilang counter-intelligence capabilities para i-monitor ang mga dating miyembro ng militar na maaring gamitin sa mga naturang aktibidad.
Kahapon ay sinabi ng PNP na mayroon silang binabantayang tatlong active private armed groups at 45 potential PAGs kaugnay ng nalalapit na Barangay at SK elections. —sa panulat ni Lea Soriano