dzme1530.ph

Gobyerno at publiko, dapat maging handa sa sinasabing super typhoon

Pinaghahanda ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang publiko at mismong ang mga ahensya ng gobyerno sa posibleng pananalasa ng super typhoon Betty na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend.

Partikular na pinakikilos ni Revilla, bilang chairman ng Senate Committee on Public Works ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang hindi na mabulaga kung sakaling lumala ang sitwasyon o maging matindi ang pananalasa.

Binigyang-diin ng senador na dapat maging proactive sa halip na maging responsive ang mga ahensya ng gobyerno.

Dapat matiyak na walang magbubuwis ng buhay dahil sa kawalan ng paghahanda sa papalapit na super typhoon.

Kailangan din anyang tiyakin ang integridad ng mga pampublikong imprastraktura gayundin ang mga tulay, daan at mga gusali.

Ang mga poste anya na madalas tumutumba kapag may bagyo, mga billboard na bigla-bigla na lang bumabagsak, at iba pang imprastraktura na depektibo ay kailangang isama sa mga agarang aayusin para makaiwas sa aksidente.

Hinimok din ni Revilla ang DSWD na ihanda na ang mga relief packs na ipamamahagi. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author