dzme1530.ph

Nasunog na gusali ng Manila Central Post Office, ‘di dapat wasakin

Hinimok ni Senador Loren Legarda ang pamahalaan na sa halip na wasakin ay i-restore ang nasunog na gusali ng Manila Central Post Office.

Sinabi ni Legarda na maaaring gamitin sa iba pang layunin ang gusali.

Binigyang-diin ni Legarda na ginawa na ang restoration sa Intramuros kaya’t walang rason para hindi ito magawa sa post office.

Nangako ang senadora ng buong suporta sa Philippine Postal Corporation (PhilPost) matapos ang mapaminsalang sunog sa gusali ng Manila Central Post Office.

Dapat anyang agarang makapaglaan ng pondo para sa conservation management plan, structural integrity studies, restoration at retrofitting.

Bilang isa sa heritage partners ng PhilPost, iginit ni Legarda na dapat maikunsidera ang pagbili at paglipat ng ownership ng nasunog na gusali sa National Museum o sa ibang cultural government agency.

Kung kinakailangan maglagay anya ng emergency sharing o suporta para maiwasang gumuho ang dingding at pundasyon nito.

Maari din anyang magtayo ng Philippine Museum of Philatelic History sa isang bahagi ng gusali at kumpletuhin ang koleksyon ng Philippine stamps.

Pwede din anyang i-develop ang lugar bilang Arts at Culture Hub. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author