Nagbigay-bawi si Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban sa pagtuturo kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kaugnay sa pag-aapruba ng importasyon ng asukal sa ‘selected importers’.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa sinasabing iregularidad ng importasyon ng asukal nitong Peberero, sinabi ni Panganiban na ipinag-utos ng Pangulo batay sa rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA) ang importasyon bunsod ng tumataas na inflation rate.
Nangyari anya ito matapos ang meeting ng Pangulo sa binuong Inter-Agency Group na nagbabantay sa galaw ng suplay at presyo ng pagkain at mga sugar importers.
Sa unang bahagi ng pagdinig, sinabi ni Panganiban na ang atas sa kanya ni Pangulong Marcos na mag-import sa pamamagitan ng piling importers.
Gayuman, nang paulit-ulit siyang tanungin ng mga senador, nilinaw ni Panganiban na ang pahayag lamang ng Pangulo ay “Let’s import.”
Samantala, nanindigan si Executive Secretary Lucas Bersamin na walang nangyaring iregularidad sa pag-aangkat ng asukal.
Inamin din ni Bersamin na may guidance ng Pangulo ang importasyon ng asukal kasabay ng paglilinaw na hindi kailangan ng sugar order para makaanggak ng asukal at pinapayagan ito sa kondisyong may clearance mula sa Sugar Regulatory Administration. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News