dzme1530.ph

Suspek na nagdiin kay Negros Oriental Cong. Arnie Teves, naghain ng kontra-salaysay sa DOJ

Naghain ng kontra-salaysay sa Department of Justice (DOJ) ang isa sa mga respondents sa kaso ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Sa preliminary investigation, isinumite ni Atty. Harold Montalvo ang counter affidavit ng kanyang kliyente na si Jhudiel Rivero y Rojas alyas Osmundo Rivero.

Sa naturang counter affidavit, noong March 5, alas-9:00 ng umaga ay pinara aniya ang PNP vehicle sa may Bayawan City, Negros Oriental upang i-report ang nawawala niyang motorsiklo.

Pagdating aniya sa police station ay nagulat na lamang siya at suspek na pala siya sa pagpaslang kay Gov. Degamo.

Nakasaad sa kontra-salaysay ng suspek na siya ay pinahirapan ng pulisya, at sinabihan na aminin na lamang na kasama siya sa pumatay kay Degamo at idiin si Negros Oriental Cong. Arnie Teves na nag-utos sa kanya upang paslangin si Gov. Degamo.

Nagulat din aniya siya nang síya ay isalang sa inquest dahil wala naman siyang kasalanan.

Ayon pa kay Rivero, noong March 8 ay dinukot ang kanyang pamilya at labis ang pag-aalala niya lalo na at ang pinakabata niyang anak ay dalawang taon pa lamang.

Sa kanyang kontra-salaysay ay mariing itinanggi ni Rivero ang kanyang mga naunang salaysay na may kinalaman sa kaso nang pagpaslang kay Gov. Degamo. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author