dzme1530.ph

6 OFW na biktima ng trafficking sa Myanmar, nagsampa na ng reklamo sa DOJ laban sa kanilang mga recruiter

Nakapagsampa na ng reklamo at kasong paglabag sa Republic Act No. 9208, as amended by Republic Act No. 10364 ang anim na biktima ng human trafficking sa Myanmar laban sa kanilang mga recruiter.

Katuwang ang mga ahensiya ng PNP-WCPC at DOJ-IACAT, kinasuhan na ng mga biktima ang 3 Filipinoa at 1 Chinese na nag-recruit sa kanilang noong May 15, 2023.

Tinulungan ang mga nasabing OFW ng Philippine Embassy sa Bangkok, (OWWA), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at iba pang ahensiya.

Napag-alaman na na-recruit bilang Customer Service Representatives (CSR) Online para magtrabaho sa Thailand, pero dinala sila sa Myanmar para akitin ang mga dayuhan sa cryptocurrency scam.

Ayon sa mga biktima, hiniling ng kanilang amo na magbayad sila ng $7,000 bawat isa bilang multa sa kanilang paglabag sa kontrata kung gusto pa nilang makabalik sa Pilipinas.

Isinalaysay pa ng mga biktima na ikinulong sila sa magkahiwalay na silid, kinumpiska ang kanilang mga pasaporte at mga cellphone, sumailalim sa pisikal na pananakit sa iba’t-ibang parte ng katawan at ginutom.

Anila, Inutusan din silang pilitin ang kanilang mga pamilya na itaas ang halagang hinihingi ng kanilang amo kapalit ng kanilang kalayaan.

Dahil sa takot sa kanilang buhay, nakipag-ugnayan sila sa kanilang mga pamilya at binayaran ang amo na Chinese sa Myanmar.

Lima sa anim ay nagbayad ng halagang P300,000 bawat isa, habang ang isa ay nakaipon lamang ng mas mababa sa hinihinging halaga, ngunit pinalaya din sila ng employer kasama ang iba pa.

Dahil dito, nagpaalala ang DOJ- IACAT sa publiko na maging maingat sa mga online job offer sa ibang bansa partikular sa Asian region.

Payo pa ng Justice Department na suriin kung lehitimo ang alok na trabaho sa ibang bansa at ang recruitment agency sa Department of Migrant Workers (DMW) upang maiwasang maging biktima ng human trafficking.

Sa mga nais magbigay ng impormasyon sa kahalintulad na insidente, makipag-ugnayan sa 1343 Action Line, IACAT Facebook messenger, o mag-email sa [email protected]. —sa ulat ni Felix Laban

About The Author