dzme1530.ph

Ad interim appointment ni DSWD Sec. Rex Gatchalian, aprub na ng CA

Inaprubahan na ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Halos nagkaisa ang mga senador at kongresista na miyembro ng CA pag-endorso at pagkumpirma kay Gatchalian sa kanyang bagong posisyon.

Sa mga pahayag ng mga mambabatas, binigyang-diin na malinaw ang kwalipikasyon ni Gatchalian sa posisyon dahil sa maayos nitong pamamamalakad sa lungsod ng Valenzuela bilang alkalde at kongresista.

Inihayag naman ni Gatchalian na target niyang palakasin din ang development programs ng ahensya kasabay pa rin ng pagtutok sa social welfare programs.

Tinukoy ng kalihim ang mga programang dapat palakasin ang 4Ps at mga livelihood programs sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP), at KALAHI-CIDDS upang matiyak na hindi na babalik sa kahirapan ang mga natutulungang beneficiaries.

Target ding tutukan ng opisyal ang programa para sa human capital, pagwawakas sa kagutuman, pagpapanumbalik ng dignidad sa social welfare at pag-digitalize sa mga proseso sa aplikasyon at pagkuha ng mga benepisyo.

Sinabi pa ni Gatchalian na ipagpapatuloy din ng DSWD ang social protection programs at palalawakin din ang mga programa para mas makahikayat ng maraming social workers. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author