Naghain si Senador Francis Tolentino ng resolusyon na nananawagan ng pagdedeklara ng state of national calamity bunsod ng matinding pinsala sa swine industry ng African Swine Fever (ASF).
Sa kanyang Senate Resolution 565, inihayag ni Tolentino na umaabot na sa 54 na lalawigan ang apektado ng ASF na mahigit kalahati ng 82 probinsya sa buong bansa.
Binanggit din ng senador ang babala ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated na lalong tataas ang presyo ng bawat kilo ng karneng baboy sa pamilihan dahil posibleng mabawasan ang suplay nito bunsod ng ASF.
Nakasaad din sa resolusyon ang kumpirmasyon ng Department of Agriculture kaugnay sa babala ng national livestock program na maaaring kapusin sa Hunyo ng 46,000 metriko tonelada ang suplay ng pork at maaaring hindi matugunan ang demand ng publiko na 145,849 metric tons.
Ayon kay Tolentino, kung makakapagdeklara ng state of calamity sa buong bansa dahil sa ASF magagamit ng DA; mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno ang kanilang quick response fund at iba pang pondo para makagawa ng aksyon at programa upang mapigilan ang higit na pagkalat ng ASF para matulungan ang mga nalulugi sa swine industry.
Maaari ring ipag-utos ng Pangulo ang paggamit ng savings ng ilang ahensya para sa usapin. —sa ulat ni Dang Garcia