Balik-normal na ang supply ng kuryente sa Luzon grid matapos itong isailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa red at yellow alerts kahapon.
Matatandaang itinaas sa red alert ang Luzon mula ala-1:00 ng hapon, na nangangahulugang hindi sapat ang supply ng kuryente sa demand na nagresulta ng brown-out sa ilang lalawigan.
Una nang inihayag ng NGCP na nagdeklara sila ng red alert dahil sa forced outage ng limang power plants, habang tatlo pa ang may mababang output.
Pagsapit naman ng alas-6:00 ng hapon ay ibinaba ang alert sa yellow status na ang ibig sabihin ay manipis ang power reserves ngunit sapat na para maibalik ang kuryente sa ilang bahagi ng Luzon. —sa panulat ni Jam Tarrayo