Inirekomenda ni Senador Raffy Tulfo ang paggamit ng modernong teknolohiya upang matiyak na magkakaroon ng access sa malinis na inuming tubig ang sambayanan.
Sa pagdinig ng Senado, inihayag ng National Water Resources Board (NWRB) na nasa 11 milyong Pilipino ang wala pa ring access sa malinis na tubig sa bansa at umaasa lamang sa tubig mula sa poso, balon, ilog at maging tubig-ulan.
Sinabi ni Tulfo na kailangang i-explore ng gobyerno ang lahat ng opsyon upang makapagbigay ng ligtas na tubig sa mamamayan at mabawasan ang pagdepende nila sa ibang source ng tubig.
Ipinaalala pa ng senador na batay sa datos, nasa 53,066 Filipinos ang nasawi mula 2010 hanggang 2019 dahil sa water-borne diseases tulad ng typhoid at para-typhoid fever, diarrhea at cholera.
Tinukoy ni Tulfo na maaaring pag-aralang gamitin ang modern technologies na available na sa ngayon tulad ng solar-powered systems at ang mga rainwater treatment facilities para magkaroon ng ligtas at malinis na tubig. —sa ulat ni Dang Garcia