Hindí pa lusot ang mga indibidwal o ahensiya na dapat managot sa naganap oil spill sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nakausap na ng Oil Spill Task Force ang insurer at nakatitiyak na mababayaran ang mga nasira at naapektuhang mga residente.
Ngunit sa kabila aniya nito ay hindi titigil ang Department of Justice habang hindi pa napapanagot ang mga responsable sa pagkalat na langis sa mga lalawigan ng Mindoro, Batangas, Antique at Palawan.
Kabilang sa mga pinagpapaliwanag ng DOJ sa insidente ay ang Philippine Coast Guard, Maritime Industry Authority (MARINA) at ang may-ari ng MV Princess Empress na RDC Reield Marine Services.
Matatandaang noong February 28, 2023 ay lumubog ang MV Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel at kumalat sa karagatang sakop ng Mindoro, Batangas, Antique at Palawan. —-sa ulat ni Felix Laban