Kinuwestyon ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ang kabiguan ng ilang cabinet secretary na dumalo sa pagdinig kaugnay sa isyu ng Sugar Order 6 para sa importasyon ng 400,000 metric tons ng asukal.
Sa pagsisimula pa lamang ng pagdinig, pinuna na ni Tolentino ang absence nina NEDA Secretary Arsenio Balisacan, DTI Secretary Alfredo Pascual, Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban at dating Sugar Regulatory Administrator David John Thaddeus Alba.
Ipinaliwanag naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang tatlong cabinet secretary ay pawang nasa official mission sa iba’t ibang mga bansa.
Si Balisacan anya ay nasa Vancouver, Canada hanggang May 11 habang si Pascual at nasa Indonesia hanggang May 11 at si Panganiban ay nasa Washington sa Estados Unidos hanggang May 13.
Kinumpirma naman ni Tolentino na nagpadala ng sulat sa kumite si Alba at inihayag na kasalukuyan siyang nasa Australia for health reason at tatagal hanggang Hunyo.
Sinabi ni Tolentino na dahil sa absence ng mahahalagang resource persons ay hindi nila mahahalukay ang lahat ng detalye sa kanilang pagdinig kung wala ang mga taong kanilang inimbitahan.
Dahil dito, iginiit ni Tolentino na alinsunod din sa rules ng Senate Blue Ribbon Committee, ipinagpaliban na ang pagdinig subalit hiningi ng kumite ang pagtiyak ni Bersamin na sa susunod nilang pagdinig ay maisasama na sa pagdalo ang iba pang cabinet secretaries na tinukoy. —sa ulat ni Dang Garcia