dzme1530.ph

PBBM, inamin ang mga pag-abuso sa war on drugs ng nagdaang administrasyon

Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagkaroon ng mga pag-abuso sa war on drugs sa panahon ng kanyang predecessor na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa forum sa Center for Strategic and International Studies sa Washington DC, USA, inihayag ng pangulo na tila masyadong tumutok ang nagdaang administrasyon sa enforcement, kaya’t masasabing nagkaroon ng ilang elemento ng pag-abuso ang gobyerno.

Ito umano ang nagdulot ng mga pangamba sa human rights situation sa bansa.

Sinabi pa ni Marcos na ang droga pa rin ang pinag-uugatan ng maraming krimen sa Pilipinas, at mas lumakas, mas yumaman, at mas lumawak ang impluwensya ng mga sindikato.

Sa kabila nito, tiniyak ng chief executive na hindi magpapabaya ang kanyang administrasyon sa anti-drug campaign, at tututukan niya ang pagbuwag sa mga sindikato at pagpapalakas ng reeducation lalo na sa kabataan kaugnay ng pagkasira ng buhay na idudulot ng droga.

Matatandaang libu-libong drug suspects ang napaslang sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte. —sa ulat ni Harley Valbuena

About The Author