dzme1530.ph

DILG, planong magtalaga ng fishing areas sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill

Plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magtalaga ng fishing areas para sa mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Sa statement, sinabi ng DILG na maglalabas ito ng joint memorandum circular kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa sharing ng fishing grounds sa pagitan ng local government units.

Inihayag ni DILG Secretary Benhur Abalos na magpapatupad sila ng cluster approach upang matiyak na lahat ng mga mangingisda ay mayroong pupuntahan at maiwasan ang congestion o pagsisiksikan sa isang fishing area.

Ang mga mangingisda sa mga bayan ng San Teodoro at Baco ay ipinanukalang mangisda sa municipal waters ng Paluan at Abra de Ilog sa Occidental Mindoro, pati na sa Tayabas Bay at Mindoro strait.

Maari namang isagawa ng mga taga-Calapan City, Naujan, at Pola ang kanilang fishing activities sa katubigan ng Boac at Gasan sa Marinduque, pati na sa Tayabas Bay.

Ipinanukala rin na maaring mangisda ang mga taga-Pinamalayan, Gloria, at Bansud sa katubigan ng Concepcion sa Romblon at sa bahagi ng Mindoro strait. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author