Humiling ang Department of Agriculture (DA) ng karagdagang P18-M budget para sa pagsasagawa ng cloud seeding operations sa mga lugar na hindi uulanin dahil sa El Niño phenomenon.
Kabilang na dito ang mga hakbang na inihain ng DA para mabawasan ang posibleng epekto ng tagtuyot sa agriculture sector.
Sinabi ni DA Field Operations Service OIC U-Nichols Manalo, base sa pinakahuling climate outlook ng PAGASA, posibleng maramdaman na ang below normal rainfall sa CAR, Region 1 hanggang 6, 8, at CARAGA pagsapit ng buwan ng Oktubre.
Dahil dito, puspusan na ang kanilang paghahanda at paglalatag ng mga intervention para sa mga magsasaka at mangingisda.
Gaya ng paglilipat ng planting calendar, pagbabago ng mga itatanim na binhi, ganun din ang pagpapalawak sa water management sa tulong ng National Irrigation Administration (NIA).
Samantala, tiniyak naman Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na mahigpit na rin nilang binabantayan ang banta ng El Niño sa mga palaisdaan partikular na sa mga land based aquaculture. —sa panulat ni Jam Tarrayo