Iginiit ni Labor Secretary Benny Laguesma na hindi maaaring ipatupad ang inihihirit na across the board wage increase ng ilang grupo ng mga manggagawa.
Paliwanag ni Laguesma, patuloy ang ginagawang pag-aaral ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) upang masolusyunan ang hirit na taas-sweldo.
Ngunit ayon kay Laguesma, hindi maaari ang nais ng ilang grupo na dagdag sweldo sa lahat o sa buong bansa dahil maapektuhan nito ang maliliit na negosyo sa ilang rehiyon at siguradong mawawalan ng trabaho ang ilang empleyado.
Dagdag pa ni Laguesma, karamihan ng mga manggagawa na nasa small and medium sized enterprises (SMSEs) ay walang binubuong unyon kaya’t isa ito sa kanilang mga pinoprotektahan.
Isa rin sa mga tatamaan kapag inihirit ang nasabing dagdag sweldo para sa lahat ay ang kasalukuyang Collective Bargaining Agreement (CBA) lalo na ang usapin ng increase kada taon.
Umaasa naman si Laguesma na ang proseso ay gugulong o uusad nang mahusay upang magkaron na ng pagpapalabas ng nararapat na wage order sa National Capital Region, CALABARZON, Western Visayas, at Central Visayas. —sa ulat ni Felix Laban