25 pang mga Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Sudan ang dumating sa bansa ngayong araw, May 3.
Sila ay kabilang sa mga tumawid sa Egypt mula sa Sudan.
19 sa mga dumating na Pinoy repatriates ay Islamic students na taga-Mindanao.
Kasama rin sa dumating sakay ng Saudia Airlines na lumapag sa NAIA terminal 1 bago mag-ala una kanina ang 5 miyembro ng pamilya Poblete kabilang na ang 3 mga bata.
Ayon kay Ginang Mary Ann Poblete, isang nurse sa international school sa Sudan, wala na silang balak na bumalik ng Sudan dahil sa tindi ng trauma na sinapit nila.
Aniya, hindi na muna nila iniisip kung paano ang kanilang magiging buhay sa Pilipinas sa mga susunod na araw.
Ang focus aniya nila sa ngayon ay kung paano sila makakarecover sa traumatic experience na sinapit nila sa Sudan. —sa ulat ni Tony Gildo