Magtatayo ang US Biotech Company na Moderna ng manufacturing facility sa Pilipinas na magsisilbi sa buong Asia Pacific Region.
Ayon sa Malakanyang, sa meeting sa Blair House sa Washington, ipinabatid nina Moderna Chief Officer Arpa Garay at Senior Vice President and General Manager Patrick Bergstedt kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tungkol sa planong “shared service facility for pharmacovigilance.”
Sinabi ng palasyo na sa sandaling maging operational, ito ang magiging nag-iisang shared service facility ng Moderna sa Asya at ikatlo sa buong mundo, kasunod ng Poland at Georgia sa US.
Inaasahang makapagbibigay ito ng trabaho sa 50 health professionals, na ang opisina ay itatayo sa Makati o sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Isa ang Moderna sa pharmaceutical firms na nanguna sa produksyon ng COVID-19 vaccines na ipinamahagi sa Pilipinas. —sa panulat ni Lea Soriano