Hindi sinang-ayunan ni CIBAC Party-List Representative Bro. Eddie Villanueva ang pagkakasama ng gender fluidity, same sex union at same sex marriage sa draft curriculum ng Department of Education (DepEd) para sa Kinder hanggang Grade 10.
Ayon kay Villanueva, nakababahala na tila isinusulong ng education department na tanggapin ang mga ganitong ideolohiya para sa mga mag-aaral.
Giit ni Villanueva, labag ito sa saligang batas na nagsasabing kailangan isulong at pangalagaan ng estado ang moral at spiritual well-being ng mga kabataan.
Gayunman, umaasa ang mambabatas na rerepasuhing mabuti ng DepEd ang naturang revised curriculum.
Nabatid na base sa inilabas na draft revised curriculum para sa K-10, ituturo ang iba’t ibang kasarian maging ang kahulugan at benepisyo ng same sex union sa Araling Panlipunan 10. —sa panulat ni Jam Tarrayo