Magpapadala si US President Joe Biden ng kauna-unahang Presidential Trade at Investment Mission sa Pilipinas.
Sa bilateral meeting sa White House kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ipinagmalaki ni biden ang matatag na partnership at pagkakaibigan ng dalawang bansa, na kinikilala umano ng milyung-milyong Filipino-Americans at lahat ng komunidad sa America.
Kaugnay dito, sinabi ng US president na palalalimin pa nila ang kooperasyong pang-ekonomiya, at titindig ito para sa democratic values at karapatan ng mga manggagawa.
Nagpasalamat naman si Marcos sa tulong ng America at isinulong nito ang mas matatag na alyansa sa harap ng bagong mukha ng ekonomiya sa post-pandemic era.
Samantala, matapos ang bilateral talks ay idinaos din ang expanded bilateral meeting sa White House kasama ang mga miyembro ng gabinete ng magkabilang-bansa.
Sa ngayon ay hindi pa idinetalye kung anong uri ng presidential trade at investment mission ang ipadadala ni Biden. —sa ulat ni Harley Valbuena