Binara ni Deputy Speaker at Batangas Cong. Ralph Recto ang pahayag na kakulangan ng pondo ang suliranin ng LTO kaya kinulang ito ng plastic card para sa driver’s license.
Giit ni Recto, kakulangan ng mahusay na lider, mahinang diskarte at sablay na plano ang tunay na rason kung bakit may problema ang Land Transportation Office.
Tinukoy ng batangenyong kongresista na sa nakalipas na 2022, nakakulekta ang LTO ng kabuuhang P26.68-B o pumapatak na P73-M ang kita nito kada araw.
Aniya, ang P249-M na kailangang budget ng LTO para mabili ang 5.2-M plastic driver’s license card na kailangan ay katumbas lang ng tatlo at kalahating araw nitong koleksiyon.
Hindi rin matanggap ni Recto na kinukulang ng plastic cards ang LTO gayung ang Pilipinas ay ikatlo sa listahan ng mga bansa sa buong mundo na pinagmumulan ng marine plastic pollution. —sa ulat ni Ed Sarto