Mananatili ang Pilipinas at Estados Unidos bilang pinaka-malapit na magka-alyadong bansa, para sa pagharap sa mga umuusbong na hamon ng 21st century, at upang siguruhin ang maayos na kinabukasan ng kanilang mamamayan.
Ito ang tiniyak sa inilabas na joint statement nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at US President Joe Biden, kasunod ng kanilang bilateral meeting sa White House.
Kinilala ng dalawang lider ang natatanging pagkakaibigan ng dalawang bansa na naging pundasyon ng alyansa.
Kaugnay dito, kapwa patuloy nilang itataguyod ang inklusibong kasaganahan, pag-iinvest sa clean energy, paglaban sa climate change, pagtatanggol sa international peace and stability, at paggalang sa Human Rights at Rule of Law.
Kapwa naniniwala rin sina Marcos at Biden na sa pagtagal ng panahon ay mas lalo pang lalakas ang ugnayan ng Pilipinas at America. —sa ulat ni Harley Valbuena