Muling nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Nancy Binay sa kawalan ng sapat na kahandaan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa iba’t ibang mga senaryo lalo sa panahon ng holidays o long weekend.
Sinabi ni Binay na ilang buwan pa lamang ang nakaraan nang maging laman ng bawat social media portal, news channel at pahayagan sa buong mundo ang NAIA at ngayon ay naulit ang aberya na nagresulta sa malaking abala sa mga pasahero.
Iginiit ng senador na ang pangyayari ay bunsod ng magkakadugtong na kakulangan sa paliparan at pagpapakita kung gaano kahina at kasama ang mga sistema sa paliparan.
Nakalulungkot anya na tila ipinapakita ng NAIA sa mundo na hindi maganda at frustrating ang karanasan sa pagbibiyahe sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Binay na dapat palaging handa ang NAIA sa mga extra-ordinary at emergency situations lalo pa ngayong summer at peak season kasabay ng tanong kung ano na ang nangyari sa backup at redundant systems na ipinangako ng Department of Transportation at Manila International Airport Authority. —sa ulat ni Dang Garcia