Nais hingan ng malinaw na paliwanag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa panibagong aberya sa paliparan ngayong Labor Day.
Sinabi ni Villanueva na mistula nang sirang plaka na silang mga mambabatas sa paghahayag ng kanilang disappointment sa mga naging kapalpakan sa airport at paulit-ulit din sila sa knailang panawagan na ayusin at pagandahin ang sistema sa NAIA.
Iginiit ng senador na dapat maging katanggap-tanggap ang rason na ibibigay sa kanila ng pamunuan ng NAIA hindi katulad sa mga nakalipas na aberya na halos hindi nila maunawaan ang mga nais na ibahagi ng mga opisyal ng paliparan.
Ang bagong aberya ay patunay anya na walang improvement ang NAIA sa pagsasaayos ng sistema at hindi anya katanggap-tanggap na mistulang inuupuan lamang ng pamunuan nito ang mga problema.
Ibinahagi rin ng senador ang naging pagbisita nila noon sa pasilidad ng NAIA at nakita niya mismo na hindi pa rin gumagana ang mga ipinagmamalaking pasilidad ng pamunuan nito.
Nakatakda namang kausapin ni Villanueva si Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe kung kinakailangan ng panibagong hearing sa mga pangyayari sa NAIA o isasama na lamang ito sa committee report sa pagdinig sa aberya sa paliparan sa pagpasok ng bagong taon. —sa ulat ni Dang Garcia