Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na makilahok sa jobs fair at iba pang aktibidad na inihanda ng pamahalaan ngayong Labor Day.
Sa kanyang video message, ipinagmalaki ng pangulo ang mga programa ng gobyerno para sa mga manggagawa tulad ng job, livelihood, at business fairs na naglalayong tulungan silang maisakatuparan ang kanilang mga pangarap para sa kanilang sarili at mga pamilya.
Ibinida rin ni Marcos ang inilunsad na “Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa” sa iba’t ibang lugar, at ang pamamahagi ng iba’t ibang uri ng government assistance.
Hinahangad ni Marcos na mas mapalawak pa ang saklaw ng mga nasabing programa upang mas marami rin ang makinabang mula sa labor workforce.
Tinitiyak din ng pangulo na gagawin ng administrasyon ang lahat upang mabigyan ng disente at angkop na hanapbuhay ang mga manggagawa habang pinapangalagaan ang kanilang mga karapatan at dignidad. —sa ulat ni Harley Valbuena