Umapela ang Federation of Free Workers (FFW) sa pamahalaan at sa pribadong sektor na wakasan na ang diskriminasyon sa mga mangaggawa at civil servants.
Ayon kay FFW President Atty. Sonny Matula, kailangan bigyang halaga ng gobyerno ang pangangalaga sa buhay at pag-aalis ng mga banta sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa bilang paggunita sa International Workers Memorial Day for Dead and Injured Workers.
Aniya pinaka nakababahala na uri ng diskriminasyon ay ang harassment, termination, at maging ang pagpatay o pagdukot sa mga manggagawang nagtatangkang mag-organisa ng mga unyon.
Dagdag pa ni Matula, marami sa mga manggagawang ito ay naka-red-tag bilang mga komunista o terorista, na lumilikha ng takot na pumipigil sa kanilang karapatang magsulong para sa mas patas na pagtrato.
Mayoon din anyang diskriminasyon sa pasahod sa mga empleyado sa Metro Manila kung saan mas mataas ang natatanggap kumpara sa provincial counterparts.
Kasunod nito, hinimok ni Matula ang publiko na samahan sila sa paglaban para sa isang mas inklusibo, pantay, at makatarungang lipunan. —sa panulat ni Jam Tarrayo