Isunusulong ni House Senior Deputy Speaker and Former President Gloria Macapagal-Arroyo ang panukalang palitan ng K+10+2 ang K-12 education program sa bansa.
Paliwanag ni Arroyo, nakasaad sa kanyang inihaing House Bill No. 7893 na naglalayong palitan ang K-12 program na sumasaklaw sa kindergarten at 12 taon ng pag-aaral ng ‘K + 10 + 2’ program na sumasakop naman sa kindergarten, 10 taon ng basic education at kung may pagnanais pa rin ang estudyante na magpatuloy sa propesyonal na pag-aaral gaya ng accounting, engineering, law o medicine, ay magdaragdag na lamang ito ng dalawang taon ng post-secondary o pre-university education.
Ayon kay Arroyo, idinagdag ang grade 11 at 12 sa basic education program ng bansa sa pag-aakalang sa karagdagang dalawang taon, ang mga senior high school (shs) graduates ay agad na makakakuha ng trabaho, o makapagtayo ng sariling negosyo.
Ngunit sa kasamaang palad aniya ay tila patuloy na pinipili ng pribadong sektor ang mga nakapagtapos ng kolehiyo.
Ani Arroyo ang kabiguan ng K-12 program na mabigyan ang graduates ng mga ipinangakong advantages ay nagpapalala lamang sa karagdagang pasanin sa mga magulang at mga mag-aaral. — sa panulat ni Jam Tarrayo