dzme1530.ph

American Samoa, nagdeklara ng measles emergency

Nagdeklara ng measles emergency ang US Pacific Territory ng American Samoa dahil sa mabilis na pagkalat at pagdami ng kaso ng measles sa lugar.

Nakapagtala ng isang kumprimadong kaso ng measles habang 31 ang probable cases ng viral infection kung kaya’t isinailalim ni American Samoa Governor Lemanu Mauga sa public health emergency ang lugar.

Ayon kay Scott Anesi, Epidemiologist ng Department of Health, karamihan sa mga dinapuan ng sakit ay mga bata na wala pang anim na buwan kung kaya’t hindi pa maaaring mabakunahan kontra measles.

Ani Anesi, target nila na mabakunahan ang mayorya sa kanilang mga mamamayan bagaman una nang inamin ng kanilang gobyerno na hindi sapat ang hawak nilang bakuna para maprotektahan ang mga tao kontra measles infection.

Nabatid na nagbaba na ng direktiba ang Samoa na pansamantalang isara ng 3 linggo ang mga paaralan sa lugar at pinag-aaralan na anila kung magpapatupad ng travel restriction sa mga katabing isla. —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author