Ikinatuwa ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang proklamasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng dalawang bagong economic zones sa Batangas at Bacolod City.
Ayon kay PEZA Director General Tereso Panga, ang dalawang economic zones ay tiyak na magpapalakas at magpapalaganap ng paglago ng ekonomiya sa labas ng Metro Manila.
Matatandaang a-14 ng Abril nang lagdaan ni Pangulong Marcos ang Proclamation 200 na nagtatatag ng bagong IT Park Ecozone sa Lacson Street sa Banago, Bacolod City, na may projected investment na P777.35-M.
Kasunod nito, Abril a-19 naman nang aprubahan ni Marcos ang Proclamation 402 na nagtatalaga sa Barangays Santiago, Luta Sur, at Bagong Pook sa Malvar, Batangas, para sa pagpapalawak ng Lima Technology Center-Special Economic Zone.
Ang naturang economic zones ay inaasahang magdadala ng kabuuang P1.641-B na halaga ng investments sa bansa. —sa panulat ni Jam Tarrayo