dzme1530.ph

Sen. Villar, naniniwalang may malicious intent ang pagpapalabas ng kanyang viral video

Malinaw na may malicious intent ang taong nag-upload ng viral video ni Senador Cynthia Villar na kumokompronta sa mga opisyal ng homeowners’ association ng BF Resort Village dahil sa paglalagay ng gate sa ipinatayo niyang composting facility.

Ipinaliwanag ni Villar na hindi ito ang unang pagkakataon na sinasalungat ng mga opisyal ng homeowner’s association ang kanyang mga proyekto sa lugar bilang paghihiganti sa inihain niyang kaso kaugnay sa paglabag ng asosasyon sa lokal na ordinansa.

Ito ay may kinalaman sa malayang pagdaan sa main road ng subdivision ng mga residente ng Las Pinas upang maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Alabang-Zapote Road.

Sa salaysay ng senador, taong 1995 nang maglabas ng ordinansa ang lokal na pamahalaan upang kilalanin ng subdivision ang friendship sticker na kanilang iniisyu sa mga residente ng Las Pinas.

Sinabi ni Villar na sa pamamagitan ng friendship sticker ay hindi na kailangang magbayad ng P2,500 kada taon ang residente para sa sticker ng subdivision upang makadaan sa kanilang kalsada.

At dahil hindi anya kinikilala ng subdivision ang sticker, ay naghain siya ng kaso kaya’t naglabas ng temporary restraining order ang Las Pinas City Regional Trial Court laban sa homeowners’ association.

Giit ni Villar na may mga tao ring nakatira sa ipinatayo niyang composting facility kaya’t hindi maaaring lagyan ito ng gate dahil mahihirapan silang dumaan.

Dumipensa ang senador sa paulit-ulit na pahayag ng kumukuha ng video na huwag sasaktan ang mga security guard dahil paano aniya masasaktan ang mga ito gayung malalaki sila kumpara sa kanya na napakaliit ng katawan.

Doon na lamang napagtanto ng mambabatas na sinadya ang pagkuha ng video.

Kung kaya’t kumonsulta na aniya si Villar sa kanyang mga abogado at pinag-aaralan na ang paghahain ng kaso laban sa homeowners’ association. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author