Ibinalita ng Department of Health (DOH) ang paggaling ng unang pasyente sa bansa na dinapuan ng Arcturus subvariant ng COVID-19 na sinasabing nagdulot ng pagtaas ng mga kaso sa India at Indonesia.
Paliwanag ng DOH, ang Arcturus o XBB.1.16 ay isang lineage ng XBB, o kumbinasyon ng dalawang BA.2 lineages ng Omicron.
Ayon sa DOH, bagama’t sinasabing may abilidad itong umiwas sa immunity at umano’y mas nakahahawa, hindi naman ito nagdudulot ng malubhang pagkakasakit.
Hindi pa rin naman anila kinukumpirma ng WHO ang sinasabing dagdag na mga sintomas tulad ng ‘sticky eyes’ at conjunctivitis.
Dagdag pa ng health department na sa kabila ng bahagyang pagtaas ng ‘bed occupancy’ sa India at Indonesia, mas mababa pa rin ang lebel nito kumpara sa epekto ng mga naunang variants.
Nabatid na kumalat na sa 33 bansa ang Arcturus na itinuturing nang ‘variant of interest’. —sa ulat ni Felix Laban