dzme1530.ph

In person classes, iminungkahing suspindihin sa gitna ng matinding init

Iminungkahi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na suspindihin muna ang face to face classes kung hindi na komportable at protektado ang kalusugan ng mga mag-aaral, mga guro at school personnel sa gitna ng nararanasan na napakainit na panahon.

Idinagdag ni Pimentel na ilan pa sa maaaring gawin ay iwasan muna ang mga outdoor activities ng mga estudyante at tiyakin na  maayos ang bentilasyon sa mga silid-aralan.

Dapat anyang may mga electric fan at may espasyo sa pagitan ng mga estudyante para hindi overcrowded o hindi siksikan.

Kung sadyang hindi kakayanin ang init, maaari namang magpatupad muna ng online o modular mode of learning.

Una nang binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na may otoridad ang mga school authorities na suspindihin ang in-person classes para mapangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga estudyante at staff.

Magandang ideya rin para kay Pimentel na ikunsidera ng pamahalaan ang pagbabalik sa dating school calendar kung saan tuwing summer ang bakasyon ng mga estudyante.

Ito ay dahil sa ang mga pampublikong paaralan ay hindi fully equipped para matugunan ang napakainit na panahon na nararanasan kapag dry season. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author