Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bagong liderato ng Philippine National Police (PNP) na magsilbi nang may integridad, accountability, pagtitimpi, at maximum tolerance, kahit na nahaharap sila sa matinding mga kritisismo.
Sa Change of Command Ceremony sa Camp Crame Quezon City, pinayuhan ng pangulo ang PNP na siguruhing mararamdaman ang kanilang presensya sa mga lansangan.
Inutusan din ito na ipagtanggol ang democratic institutions at protektahan ang publiko lalo na ang mga naaapi, at gayundin ang mga katuwang ng pulisya sa paglilingkod tulad ng mga mamamahayag, civic action groups, civil volunteers, at iba pa.
Ipinatitiyak din nito ang sama-sama at sistematikong pagtugon sa internal security issues, at ang pagpapalakas ng ugnayan sa iba pang law enforcement agencies sa local at national levels.
Iginiit ng pangulo na bilang isang “united force” ay dapat makamit ng PNP ang tiwala, respeto, at paghanga ng mamamayan sa pamamagitan ng episyente, wasto, at malasakit sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Ngayong araw ay opisyal nang umupo sa pwesto si bagong PNP Chief Benjamin Acorda Jr., kasunod ng pagre-retiro ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. —sa ulat ni Harley Valbuena