Sa halip na ibenta sa murang halaga, inirekomenda ni Senador Risa Hontiveros na i-turn over na lang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maipamigay sa mga nangangailangan o sa mga biktima ng kalamidad ang mga nasabat na smuggled na asukal.
Una nang inanunsyo ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na rerebisahin ang mga kasalukuyang regulasyon upang mapayagang maibenta ang nasa 4,000 metric tons ng smuggled refined sugar sa Kadiwa stores.
Ang mga asukal ay nasabat sa mga operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) ay target ibenta ng P70 bawat kilo.
Tanong ng senador kung bakit pagkakakitaan ang mga asukal na galing naman sa iligal.
Kasabay nito, iginiit ni Hontiveros na sa halip na umasa ang mga Kadiwa stores sa mga smuggled na asukal para maibenta sa mababang halaga, dapat anyang palawakin ng SRA ang talaan ng mga negosyante at industriya na pinapayagang makabili ng sarili nilang sugar supply kasabay ng pagsugpo sa kartel.
Hinimok din nito ang DA at SRA na palawakin ang kanilang kooperasyon sa mga stakeholders sa local sugar industry para mapataas ang produksyon ng asukal. —sa ulat ni Dang Garcia