Sinaksihan ng Bureau of Customs (BOC) – Collection District XII sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Erastus Sandino Austria, sa Davao International Airport, ang ceremonial send-off ng Durian exports sa China.
Itinampok sa kaganapan ang mga pagsisikap ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Agriculture – Bureau of Plant Industry (DA-BPI), sa pagpapaunlad ng industriya ng halaman sa Pilipinas.
Ang DA-BPI ay walang humpay na nagtatrabaho upang mapabuti ang produksyon ng mga dekalidad na kalakal, tiyakin ang kaligtasan at integridad ng pagkaing halaman, at palakasin ang kontribusyon sa ekonomiya ng industriyang pang-eksport.
Nito lamang Setyembre 2018, hiniling ng DA katuwang ang BPI, ang market access para sa mga sariwang durian sa China.
Sa pag-apruba ng protocol of phytosanitary requirements para sa pag-export, naging posible ang pag-export ng durian sa China.
Sa pangkalahatan, itinuturing na ang ginawang send-off ceremony, ay kumakatawan sa isang makabuluhang milestone para sa industriya ng halaman sa Pilipinas at sa paglago ng ekonomiya ng bansa. —sa ulat ni Felix Laban