Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Social Protection Floor (SPF) na magpapalakas sa mga programa ng gobyerno kontra kahirapan tulad ng child nutrition, healthcare, at social assistance sa senior citizens.
Sa press briefing sa palasyo, inihayag ni National Economic and Development Authority Sec. Arsenio Balisacan na ang SPF ay may apat na basic guarantees kabilang ang health, children, active age, at older persons.
Sa ilalim ng SPF for health, itataguyod ang full implementation ng universal health care upang tiyaking ang lahat ay may access sa maayos na healthcare service.
Para naman sa SPF children, itataguyod ang child nutrition at edukasyon, habang ini-rekomenda rin ang pagpapalawak ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), pagsasagawa ng supplemental feeding program, pagtugon sa teenage pregnancy, pagbibigay ng children special protection, at healthcare at mental health support at iba pang serbisyo.
Tututukan naman sa SPF for active age ang mga hakbang para sa mga Pilipinong walang sapat na kita, kabilang ang mga nasa informal economy.
Para naman sa SPF for older persons, palalakasin ang social assistance at social pension programs sa indigent senior citizens, at titiyakin ding nakatatanggap sila ng discounts, access sa life-long learning opportunities, at integrated health services. —sa ulat ni Harley Valbuena