dzme1530.ph

EO sa pagpapababa ng taripa sa imported products alinsunod sa RCEP, inaprubahan ng pangulo

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang executive order para sa pagpapababa ng taripa sa maraming imported products bilang bahagi ng pagsali ng Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan na sa ika-5 meeting ng NEDA Board, inaprubahan ng pangulo ang EO para sa pagsasakatuparan ng tariff commitments ng bansa sa RCEP.

Sinabi naman ni Trade Sec. Alfredo Pascual na ibababa ang taripa sa ilang aangkating produktong pang-agrikultura partikular ang mga hindi naipo-produce sa Pilipinas.

Bagamat hindi pa opisyal na nalalagdaan ang EO ay ibinahagi ni Pascual na maaari na itong pirmahan ng pangulo anumang oras, at magiging epektibo sa June 2, 2023.

Ang EO ang magiging batayan ng Bureau of Customs (BOC) sa paglalabas ng administrative order sa lahat ng pantalan para sa itatakdang taripa sa imported goods.

Ang RCEP ang kasunduan para sa malayang kalakalan ng mga bansang miyembro ng ASEAN, at partner countries na Australia, China, Japan, South Korea, at New Zealand. —sa ulat ni Harley Valbuena

About The Author