dzme1530.ph

Malakanyang, inilabas ang EO 21 para sa pagpapagaan ng pagkuha ng permit sa Offshore Wind Development

Inilabas ng Malakanyang ang Executive Order no. 21 kaugnay ng pagpapagaan at pagpapabilis ng pagkuha ng permit para sa Offshore Wind Development.

Ang Offshore Wind ay ang clean at renewable energy na nagmumula sa windmills na inilalagay sa gitna ng karagatan.

Sa loob ng 60 araw matapos mailabas ang EO, inaatasan ang Department of Energy na maglabas ng policy at administrative framework para sa episyente at maayos na development ng Offshore Wind resources ng bansa.

May 60 araw din ang lahat ng permitting agencies na mag-sumite sa DOE ng kumpletong listahan ng kaukulang permits kabilang ang requirements, fees, at procedures sa offshore wind development.

Pinagsu-sumite rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kumpletong listahan ng mga kina-kailangang permits ng local government units.

Kapag napagsama-sama na ang lahat ng permit requirements, gagawin na ang lahat ng proseso ng pagkuha ng permit sa energy virtual one-stop shop platform.

Makikipag-ugnayan din ang DOE sa NGCP at NTC para sa grid interconnection facilities, habang inaatasan ang lahat ng national government agencies kabilang ang government owned or controlled corp at LGUs na bigyan ng kaukulang tulong ang DOE para sa Offshore Wind Development. —sa ulat ni Harley Valbuena

About The Author