Atubili si Senador Jinggoy Estrada sa rekomendasyon ni Senador Francis Tolentino na ipagpaliban ang Barangay at SK elections sa Negros Oriental bunsod ng mga karahasan sa lalawigan.
Sinabi ni Estrada na kailangan munang pag-aralang mabuti ang panukala at ikunsidera ang karapatan ng mamamayan sa lalawigan na makapaghalal ng gusto nilang mga bagong mamuno sa kanilang mga barangay.
Iminungkahi ng senador na konsultahin sa panukala si Comelec Chairman George Garcia na eksperto sa usapin sa halalan.
Una nang inirekomenda ni Tolentino na huwag munang ituloy ang barangay at sk elections sa Negros Oriental sa gitna na problema sa peace and order.
Sinabi ni Tolentino na dapat matutukan muna ang pagbabalik ng katahimikan at kaayusan bago ituloy ang eleksyon dahil alam naman ng lahat na mas marami ang kriminalidad sa panahon ng barangay elections. —sa ulat ni Dang Garcia