Ang malambot na polisiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa interest rate ang nakikitang dahilan ni Albay Cong. Joey Salceda kung bakit bagsak ang halaga ng piso kontra dolyar.
Reaksyon ito ni Salceda matapos maitala kahapon ang 4-month high na P56.21 sa bawat dolyar.
Ayon sa chairman ng House Ways and Means panel, hihina talaga ang piso kapag pinigilan ng BSP ang interest hike habang ang US federal ay tuloy tuloy sa pagtaas.
Ang “main risk” aniya nito ay ang “upside effect sa inflation” lalo na sa imported food at essential commodities gaya ng fuel o produktong petrolyo.
Gayunman, hindi lubos na nababahala si Salceda sa “weak peso” dahil may magandang epekto rin ito sa sektor ng OFWs, BPO, freelancers at sa nagre-recover na turismo at export manufacturing.
Sa ganitong sitwasyon, nagiging competitive umano ang Filipino Labor Force at maging ang export industry. —sa ulat ni Ed Sarto