Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang mangyayaring krisis sa bigas sa bansa sa mga susunod na buwan.
Sa ambush interview sa San Jose Del Monte City sa Bulacan, inihayag ng pangulo na sapat ang suplay at napapanatili ring stable ang presyo ng bigas.
Gayunman, aminado ang chief executive na may tyansang numipis ang suplay dahil inaasahan ang sabay-sabay na pagtama ng mga bagyo at El Niño.
Kaugnay dito, tinututukan ang magiging lebel ng produksyon partikular sa panahon ng anihan.
Sinabi pa ni Marcos na tumatayo ring Agriculture Sec. na maaaring kailanganin ng bansa na mag-import ng bigas.
Bukod dito, pino-problema rin umano ngayon ang pag-replenish sa buffer stock ng National Food Authority dahil kung sasabay ito sa harvest season sa pagbili sa mga local producer alinsunod sa batas, magiging mataas ang presyo nito. —sa ulat ni Harley Valbuena