dzme1530.ph

Ilang senador, nakidalamhati sa pagpanaw ni dating DFA Sec. del Rosario

Nagpaabot ng pakikidalamhati ang ilang senador sa pagpanaw ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.

Sinabi ni Senador Grace Poe na ipinagluluksa nila ang pagkamatay ng isang diplomat na kilala sa kanyang paninindigan sa diplomasya at dignidad sa pakikipaglaban para sa interes ng bayan.

Isinalaysay naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na nagkaroon siya ng pagkakataon na makatrabaho si del Rosario sa ilalim ng Aquino administration.

Bilang isa anyang true patriot, naging instrumento si del Rosario sa pagkapanalo ng bansa sa territorial disputes ng bansa sa China kaugnay sa West Philippine Sea sa The Hague, Netherlands.

Sinabi ni Villanueva na pumanaw man si del Rosario ay mananatili ang kanyang legasiya at mga achievement para sa bansa.

Para naman kay Senador Francis Tolentino, patuloy pa ring maaalala si del Rosario dahil sa kanyang consistent stand sa pagbibigay proteksyon sa teritoryo ng bansa lalo sa West Philippine Sea.

Kasabay ng kanyang pakikidalamhati, ipinaalala ni Senador Risa Hontiveros na nagsilbing inspirasyon ang katapangan at creativity ni del Rosario para sa ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa mga karapatan ng Pilipinas sa ating teritoryo.

Inilarawan naman ni Senador Chiz Escudero si del Rosario bilang man of integrity and patriotism. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author