Magkakasa ng high level consultation ang Pilipinas at Germany upang palakasin ang partnership tungo sa mabilis na climate change agenda para sa global at national levels.
Pangungunahan nina DENR Secretary Antonia Loyzaga at Germany State Secretary at Special Envoy for International Climate Action Jennifer Lee Morgan ang First Phl-German Consultation on Climate Change.
Makakasama ni Loyzaga sa pagpupulong ang mga senior officials mula sa member-agencies ng Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction habang si Morgan naman ay sasamahan ng German Ambassador to the Philippines Anke Reiffenstuel at mga senior officials sa German Embassy Manila.
Layunin ng konsultasyon na makabuo ng ‘blueprint’ kung paano palalakasin ng dalawang bansa ang kani-kanilang environment programs kabilang na dito ang Nationally Determined Contribution (NDC) kung saan magkaroon ng emission o avoidance sa greenhouse gas ng 75% o katumbas ng 3,340 million metric tons ng carbon dioxide, na sakop rin ng napagkasunduan sa Paris Agreement on Climate Change.
Tatalakayin din dito ang paggamit sa International Climate Initiative (IKI) ng Germany kung saan focus country nito ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa mundo na higit na naaapektuhan ng climate change at isa sa 17 megadiverse na bansa sa mundo.
Kabilang din sa pag-uusapan ay ang global at national solution para sa critical environment issues gaya ng environmental priority programs ng Pilipinas sa water security, decarbonization ng ekonomiya ng bansa, pagpapalakas ng climate adaptation at management capacities. —sa panulat ni Jam Tarrayo