Sisimulan na ng Senate committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa mga kaso ng pananambang at pagpatay sa iba pang mga lokal na opisyal sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Target ng pagdinig na pamumunuan ni Senator Ronald Bato dela Rosa na malaman kung papaano masasawata ang political violence sa bansa at mabusisi ang motibo sa mga pagpatay sa mga lokal na opisyal.
Nilinaw naman ni dela Rosa, bago magsimula ang pagdinig ay magpupulong muna ang mga miyembro ng kumite kung papayagan pa ang pagharap ni suspended Cong. Arnolfo Teves Jr., sa pamamagitan ng online conferencing.
Aminado si dela Rosa na may punto ang kampo ni Mayor Janice Degamo sa pag-alma sa virtually presence ni Teves habang sila ay ‘physically’ haharap sa imbestigasyon.
Aminado ang senador na alam niyang hindi talaga haharap si Teves ‘physically’ sa Senado lalo’t wala pa rin ito sa bansa at sinamantala lang ang oportunidad nang pumayag ang kongresista na humarap para magisa at matanong na rin ito sa isyu.
Nangako naman si dela Rosa na magiging patas ang kumite kaugnay sa magiging desisyon sa apela ng kampo ni Degamo na paharapin ng personal sa pagdinig si Teves at hindi lang sa online. —sa ulat ni Dang Garcia