Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang gobyerno na hilingin sa China na i-recall sa bansa si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Kasabay ito ng pagbatikos ng senador sa naging pahayag ni Huang na tila tinatakot ang gobyerno kung susuportahan ang Estados Unidos sa panghihimasok sa girian ng China at Taiwan.
Sinabi ni Hontiveros na may karapatan ang mga manggagawang Pinoy na magtrabaho kung saan sila makakapagtrabaho kasabay ng pahayag na hindi dapat hayaan ang China na magdesisyon sa kinabukasan ng mga pamilyang Pilipino.
Idinagdag pa ni Hontiveros na dahil sa pananakot ng ambassador, dapat hilingin na ng administrasyon sa Beijing na alisin si Huang dahil wala siyang karapatang maging diplomat kung hindi ito magpapakita ng respeto at dignidad para sa mga Pilipino.
Nilinaw naman ng senador na hindi kailanman manghihimasok ang Pilipinas sa isyu ng Taiwanese independence dahil ito ay eksklusibo sa mamamayan ng Taiwan at nirerespeto ito ng mga Pilipino.
Kung may isyu anya ang China sa Estados Unidos, ay hindi naman dapat kaladkarin pa ang Pilipinas sa iringan. —sa ulat ni Dang Garcia