![]()
PAG-AARALAN ng Senado ang posibilidad na suspindihin ang sweldo ni Senador Ronald Bato dela Rosa dahil sa patuloy na pag-absent.
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo ‘Ping’ Lacson na pinag-usapan nila ito sa pulong nina Senate President Vicente Tito Sotto III kasama si dating Senador Antonio Trillanes IV.
Sa pulong, natalakay anya ang plano ni Trillanes na maghain ng ethics complaint laban kay dela Rosa sa pagsapit ng ika-anim na buwan ng pag-abent ng senador.
Binigyang-diin ni Lacson na mayroon silang binubuong solusyon o resolusyon sa sitwasyon ni dela Rosa.
Isa sa posibleng gawin, ayon kay Lacson, ang irekomenda ng Senate Ethics Committee ang suspensyon ng kanyang sahod na paaaprubahan sa plenaryo ng Senado.
Nilinaw naman ni Lacson na kung isusulong ang rekomendasyon ay hindi siya sasama sa pagtalakay dahil wala siyang moral authority.
Ito ay dahil minsan din siyang nagtago at nawala sa Senado, may 15 taon na ang nakakaraan.
Samantala, inalis na bilang miyembro ng Senate Committee on Ethics si dela Rosa kasama si Senador Joel Villanueva at pinalitan sila nina Senador Imee Marcos at Senador Rodante Marcoleta.
