![]()
PINAGBIBITIW sa pwesto ni Senador Raffy Tulfo si Food and Drug Administration (FDA) Director General Atty. Paolo Teston.
Ito ay kasunod ng pag-amin ni FDA Director III Atty. Franklin Anthony Tabaquin, na sa kabila ng mga nakasuhan kaugnay sa hindi otorisadong pagbebenta ng mga gamot at supplements ay wala man lang kahit isa sa mga ito ang nakulong.
Direktang tinanong ng senador si Teston kung wala ba itong balak na magbitiw na sa pwesto tulad ng kanyang naging hamon na rin dito noong una sa mga nakalipas na pagdinig.
Tugon ni Teston ay iginagalang niya ang opinyon ng mambabatas subalit siya ay nagsisilbi batay sa kagustuhan ng mga tao at ng Pangulo kaya ipagpapatuloy niya ang kanyang function bilang Director General.
Sa tanong naman ni Senador Erwin Tulfo, sinabi ni Teston na may 3,000 administrative cases sa FDA pero tatlo lang ang nakasuhan sa ilalim ng Republic Act 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs habang 11 naman ang nasampahan ng kaso ng paglabag sa Republic Act 9711 o FDA Act.
Sa bilang na ito, aminado ang FDA na walang nakulong dahil nagbabayad lamang ang mga nakasuhan ng multa ng P50,000 hanggang P500,000.
