![]()
ISINUSULONG ni Senador Loren Legarda ang panukala para tiyaking magkakaroon ng awtomatikong pondo ang Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.
Sa kanyang Senate Bill 1662 o ang proposed PhilHealth Automatic Funding Act, pinuna ni Legarda ang kabiguan ng pamahalaan na ganap na ilabas ang mga kita na itinatakda ng batas, kabilang ang sin taxes at bahagi mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na nagpapahina sa kakayahan ng PhilHealth na maghatid ng mga benepisyo.
Sa kabila ng malinaw na batas, paulit-ulit na pinagkaitan ng pondo ang PhilHealth.
Binigyang-diin ni Legarda ang desisyon ng Korte Suprema na nag-aatas sa pagbabalik ng ₱60 bilyon sa PhilHealth at nagbabawal sa karagdagang paglilihis ng pondo bilang patunay na ang mga pondong inilaan para sa serbisyong pangkalusugan ay dapat manatili sa PhilHealth.
Hiniling din ni Legarda ang paliwanag hinggil sa mga nawawalang alokasyon at binigyang-diin na ang serbisyong pangkalusugan ay hindi pribilehiyo kundi isang karapatan.
