![]()
Umabot sa kabuuang ₱480,400.00 halaga ng illegal na droga ang nasabat ng Bureau of Customs na nakalagay sa isang parcel sa isang warehouse sa NAIA complex sa Pasay City.
Ang nasabing parcel, na idineklara bilang mga accessories at candies, ay isinailalim sa pisikal na pagsusuri matapos makita ang mga kahina-hinalang imahe ng mga ito.
Ayon sa Customs, napag-alaman sa inspeksyon ang humigit-kumulang na 320 gramo ng pinatuyong marijuana (kush) na may tinatayang street value na ₱480,000.00, gayundin ang walong vape cartridge na naglalaman ng cannabis oil na nagkakahalaga ng ₱400.
Ang mga nasamsam na illegal drugs at ang claimant ay itinurn-over sa PDEA para sa tamang disposisyon at inquest proceedings para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Sinabi ni BOC-NAIA District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, sa pamamagitan ng pinalakas na mga hakbang sa inspeksyon at koordinasyon sa mga katuwang na ahensya, patuloy na nananatiling matatag ang BOC sa pangangalaga sa mga border ng bansa upang protektahan ang publiko.
