![]()
Nangangamba si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na magkaroon ng krisis sa asukal kung hindi maaagapan ng Department of Agriculture at national government ang sitwasyon.
Ipinaliwanag ng senador na marami na sa mga magsasaka sa industriya ng asukal ang nalulugi dahil sa mataas na presyo ng farm inputs tulad ng fertilizer, pesticides at pasweldo sa mga manggagawa.
Binanggit pa ni Zubiri ang over importation ng asukal noong nakaraang taon at mayroon pang smuggling ng asukal at ng produktong pamalit dito tulad ng high fructose syrup.
Sinabi ni Zubiri na hanggang noong huling linggo ng Disyembre, nasa P2,075 ang kada 50-kilo ng bag ng asukal mula sa P2,200 noong Oktubre. Mababa ito kumpara sa P2,400 hanggang P2,500 kada bag noong milling season noong 2024.
Iginiit ni Zubiri na malaking bagay ang P300 hanggang P500 na lugi sa bawat bag ng asukal dahil maliit lang ang puhunan ng mga nagtatrabaho sa industriya.
Sa tala ng Sugar Regulatory Administration, 84 percent ng 88,000 sugar farmers angg maliit na magsasaka na wala pang limang ektarya ang sakahan. Kinalampag ni Zubiri ang SRA na gamitin ang Sugar Development Fund para bilhin ang mga produkto ng mga sugar farmers o pautangin at bigyan sila ng support program kasabay ng paglaban sa smuggling.
